Independent. Community-powered. For a mindful and informed Mindanao.

Home  |  About Us   |   Contact   |  

MARAWI CITY - Umabot sa 13 na mag-aaral ng Mindanao State University- Main Campus, Marawi City ang naapektuhan at lumikas matapos tupukin ng apoy ang bahagi ng isang residential cottage sa 3rd Street noong Biyernes, May 15, 2026.

Ayon sa Bureau of Fire Protection ng Marawi City at munisipalidad ng Marantao kabilang ang mga residente, nagsimula ang sunog bandang alas-11:00 ng umaga sa isang bakanteng lote sa likod ng compound at tuluyang naapula pasado alas-3:00 ng hapon.

Samantala, wala namang naiulat na nasaktan o nasawi sa insidente.
Ayon kay Laona Acmad, isang residenteng nakatira malapit sa Norhaifa Cottage, nag-ugat ang apoy sa sinunog na basura bago ang Friday prayer. Bagaman sinubukan umano ng mga residente na patayin ang apoy gamit ang tubig bago magtungo sa mosque, muling nabuhay ang apoy dahil sa malakas na hangin at matinding init ng panahon.

Mabilis na pumasok ang apoy sa bintanang jalousie ng dalawang silid matapos itong mabasag, kung saan mabilis nitong natupok ang mga gamit ng mga estudyante, kabilang ang mga double-deck. Bukod sa materyales ng bahay na gawa sa kahoy, yero at plywood, naging mabilis din ang pagkalat ng usok dahil sa magkakadikit na structure sa lugar.
Agad namang rumesponde ang City Social Welfare Development Office (CSWDO) upang kunin ang mga pangalan ng mga naapektuhang mag-aaral para sa kaukulang tulong.
Naglabas rin ng abiso ang mga Directors ng mga dormitory ng pamantasan upang pansamantalang patuluyin ang mga apektadong boarders sa mga opisyal na housing facility ng campus.

Dahil sa pangalawang insidente na rin ito ng sunog sa paligid ng campus, nanawagan ang mga residente sa administration ng unibersidad na magpatupad ng malawakang fire safety information drive para sa mga estudyante at residente bago ang pagbubukas ng klase.
Hiling din ng komunidad na magkaroon ng sarili at permanenteng fire truck ang pamantasan para sa mabilisang pagresponde kung sakaling maulit muli ang ganitong insidente at bilang karagdagan na rin daw sa kasalukuyang ambulansya at infirmary ng campus.

By: Ronald M. Sayson, S'bang Ka Marawi Reporter

Author