![[2026] SKMarawi News Graphics (15)](https://sbangkamindanao.com/wp-content/uploads/2026/05/2026-SKMarawi-News-Graphics-15.png)
Ayon kay Saidamen Pangonte, isang tricycle driver na tatlong taon nang namamasada sa kalsada, malaki ang naging epekto ng sunod-sunod na oil price hike sa kaniyang pang-araw-araw na kita. Mula sa dating โฑ500 o higit pa na naiuuwi niya para sa kaniyang pamilya, bumagsak na lamang ito sa โฑ300 kada araw.
"Dati nakakauwi kami ng 500, minsan nadadagdagan pa. Pero ngayong lumaki ang gasolina, nakakauwi na lang kami ng 300, minsan 300 plus," ani Saidamen.
Dahil sa patuloy na pagtaas ng presyo ng krudo, binago na ng mga tricycle driver ang kanilang paraan ng pamamasada. Sa halip na magpaikot-ikot o mag-rounding sa paghahanap ng pasahero, pinipili na lamang nilang bawasan ang kanilang biyahe upang makatipid sa gasolina. Mas nagiging karaniwan na rin ang pananatili sa mga terminal o hintayan, kung saan naghihintay sila ng pasahero kahit matagal ang antayan, kaysa maubos ang kanilang krudo sa walang kasiguraduhang pag-iikot.
Ayon sa pinakahuling ulat ng Department of Energy (DOE) para sa linggong ito, magpapatupad muli ang mga kumpanya ng langis ng panibagong dagdag-presyo epektibo ngayong Martes, Mayo 19. Sa opisyal na advisory ng DOE, tataas ng โฑ1.21 kada litro ang presyo ng gasolina sa lahat ng grades, habang sasalubong naman ang mas matinding dagdag na โฑ2.82 kada litro para sa diesel. . Sa kasalukuyan, naglalaro na sa โฑ78.00 hanggang โฑ88.00 ang retail na presyo ng kada litro ng gasolina sa Marawi City depende sa brand at partikular na octane rating (RON 91, 95, o 100).
Bagama't naglalayon ang pamahalaan na tulungan ang mga commuter sa pamamagitan ng mga programang tulad ng libreng sakay, inilahad ni Pangonte na nagdudulot ito ng matinding kompetisyon at pagbaba sa billing ng kanilang mga pasahero. Naniniwala siyang mas mainam na matuon ang pansin ng gobyerno sa pagkontrol sa presyo ng langis kaysa sa mga programang nagpapababa sa volume ng kanilang isinasakay.
Dagdag pa rito, nahaharap din ang mga tsuper sa hamon ng hindi pagtataas ng pamasahe. Sa kabila ng taas-presyo ng krudo, marami pa ring pasahero ang sumusunod sa lumang taripa, na tinatanggap na lamang ng mga driver sa ngalan ng pasensya o sab'ar.