Independent. Community-powered. For a mindful and informed Mindanao.

Home  |  About Us   |   Contact   |  

MARAWI CITY - Sa bawat pag-ikot ng gulong ng kaniyang multicab, hindi lamang mga pasahero ang isinasakay ni Saaludin Dibarosan, 35-anyos. Pasan niya ang responsibilidad sa kaniyang pitong anak sa gitna ng pabago-bagong presyo ng petrolyo na direktang nakakaapekto sa kaniyang tanging hanapbuhay.

Bagamat nagpatupad ang mga kumpanya ng langis ng malaking bawas-presyo noong nakaraang linggo, sinalubong naman ng panibagong taas-presyo ang mga tsuper kahapon, May 19, 2026. Ayon sa opisyal na advisory ng Department of Energy (DOE), nagpatupad ang mga kumpanya ng dagdag na โ‚ฑ1.21 kada litro sa gasolina at โ‚ฑ2.82 kada litro sa diesel, matapos ang big-time rollback noong Mayo 12 kung saan bumaba ng hanggang โ‚ฑ9.57 kada litro ang diesel dahil sa paghupa ng tensyon sa Middle East.
Ayon kay Dibarosan, ang linggo-linggong pabago-bagong presyo ng fuel ay nagpapahirap sa pagtatakda ng kaniyang pang-araw-araw na badyet. Noong mababa pa ang presyo ng krudo, naglalaan lamang siya ng โ‚ฑ800 para sa biyahe sa isang buong araw. Sa kasalukuyan, naglalaro sa โ‚ฑ78.00 hanggang โ‚ฑ88.00 ang retail na presyo ng kada litro ng gasolina at krudo sa Lanao del Sur. Bunsod nito, umaabot na sa โ‚ฑ1,200 hanggang โ‚ฑ1,500 ang kaniyang kabuuang nagagastos sa supply ng langis araw-araw upang mapanatili ang kaniyang pasada simula madaling araw hanggang gabi.
Dahil sa mataas na operational cost, bumagsak sa โ‚ฑ400 ang malinis na kitang naiuuwi ni Dibarosan. Ang naturang halaga ang kailangang pagkasyahin para sa pagkain ng siyam na miyembro ng kaniyang pamilya, baon ng mga anak sa eskwelahan, at maintenance ng kanyang sasakyan.
"Ang laki ng epekto sa amin kasi halos wala na kaming makuha. Lahat ng pagod namin, napupunta na lang sa tangke ng gasolina," ani Dibarosan.
Dalawa sa kaniyang mga anak ang kasalukuyang nasa high school, habang nasa elementarya naman ang iba pa. Ipinahayag ni Dibarosan na kaniyang pinakamalaking takot ang mapatigil ang mga anak sa pag-aaral dahil sa taas ng gastusin sa edukasyon at mga pangunahing bilihin.
Bukod sa presyo ng langis, kinakaharap din ng mga tsuper ng multicab ang matinding kompetisyon sa kalsada at ang kakulangan sa bilang ng mga pasahero.
Inilahad ni Dibarosan na bagamat may ilang commuter ang nakauunawa sa umiiral na taripa, marami pa rin ang hindi nakababayad nang buo dahil sa kakulangan sa budget. Madalas din aniyang nakikiusap ang mga suking pasahero na sumakay muna nang libre o kaya ay utangin ang pamasahe. Dahil naman sa taas ng pamasahe, pinipili na lamang ng ibang residente ang maglakad o manatili sa bahay, na lalo namang nagpapababa sa kita ng mga tsuper.
"Sinasabi namin na buoin ang pamasahe kasi nagmahal ang gasolina, pero hindi mo rin naman matitiis ang mga tao lalo na kung alam mong hirap din sila," dagdag niya.
Sa kabila ng usok, pagod, at tila walang katapusang pagtaas ng presyo ng bilihin, nananatiling matatag ang mga kamay ni Saaludin sa manibela. Para sa kanya, hangga't may pasaherong sumasakay, may pag-asa siyang maitatawid ang kanyang pamilya sa gitna ng matinding hamon ng ekonomiya.
Mga Sanggunian:
- SunStar Manila : https://tinyurl.com/583u6u4p
- Cebu Daily News/Inquirer : https://tinyurl.com/bdzmsvft
By: Janisah M. H.Ali, Sโ€™bang Ka Marawi Reporter

Author