Fayzah Inshirah Cosna Alonto Ala, S’bang Ka Marawi Patroller
“𝘒𝘢𝘮𝘣𝘢𝘭𝘪𝘯𝘨𝘢𝘯 𝘴𝘢 𝘔𝘢𝘳𝘢𝘸𝘪” sigaw pa rin ng mga Internally Displaced Persons (IDPs) na patuloy pa ring umaasa sa kanilang hinahangad na pagbabalik sa kanilang mga tahanan matapos ang Marawi Siege.
Kahapon Mayo 23, sa paggunita ng ika-walong anibersaryo ng siege, muling ipinahayag ng mga IDP ang kanilang mga hinaing at panawagan para sa kanilang 𝘬𝘢𝘮𝘣𝘢𝘭𝘪𝘯𝘨𝘢𝘯, para sa isang ligtas at safe dignified return.
Isang buong araw na puno ng iba’t ibang mapayapang aktibidad ang nilahukan ng mga IDP mula sa iba’t ibang shelters, kasama ang mga taong nagbahagi ng pakikiisa sa mga biktima ng Marawi Siege.
Bahagi ng aktibidad, ang community visit kung saan binisita muli ng mga IDP ang Ground Zero, ang dating sentro ng labanan. Sinundan ito ng kanilang pagpunta sa mga shelter tulad ng Boganga Temporary Shelter at Gadongan Permanent Shelter kung saan nag-salita naman ang ilang mga residente tungkol sa kanilang mga karanasan sa shelter.
Para kay Subair Mangadang, isang division leader mula sa Boganga, ang matagal na pananatili nila sa temporary shelter ay isang mahirap na pagsubok. “Nasa alanganin kami dito,” aniya. “Gusto naming makabalik sa kung saan talaga kami lumaki, nagkaroon ng buhay at nagkaroon ng tunay na tahanan"
Mula sa mga shelter, nagtungo ang grupo sa Maqbara Cemetery, kung saan inilibing ang 297 na biktima ng siege na karamihan sa kanila'y hindi pa rin nakikilala hanggang ngayon. Sa katahimikan ng lugar, nag-alay sila ng dasal bilang pagpupugay sa mga nasawi.
Bilang huling bahagi ng programa, nagtungo ang mga kalahok sa Institute for Peace and Development in Mindanao (IPDM) para sa isang dialogue kasama ang Marawi Compensation Board (MCB). Dito, inilahad ng mga IDP ang kanilang mga hinaing hinggil sa patuloy na pagkaantala ng kompensasyon at ng kanilang matagal nang hangaring makabalik sa kanilang mga tahanan sa Ground Zero.
Naging matagumpay ang komemorasyon sa pangunguna at pakikipag-tulungan ng ilang organisasyon tulad ng Kalimudan Foundation Inc., Marawi Accompaniment Advocacy (MAA), Initiative for International Dialogue (IID), at Reclaiming Marawi Movement (RMM) na siyang taon-taon nang nakikiisa sa pag-alala sa trahedya.


