
Kasabay ng pagdiriwang ng Rabies Awareness Month nitong nakaraang Marso, inilunsad ng Provincial Veterinary Office (PVO) sa pakikipagtulungan ng LGU-Saguiaran, ang isang malawakang kampanya upang masiguro ang kaligtasan ng komunidad laban sa banta ng rabies noong March 25, 2026.
Ayon sa PVO, ang inisyatibong ito ay alinsunod sa Executive Order No. 84, series of 1999, na nagdedeklara sa buwan ng Marso bilang National Rabies Awareness Month sa pakikipagtulungan ng Department of Health (DOH), Department of Agriculture (DA), at Department of the Interior and Local Government (DILG).
Binigyang-diin ng mga eksperto mula sa PVO sa pangunguna ni Provincial Veterinarian Dr. Al-Hussein Domaot na bagama't 100% na nakamamatay ang rabies kapag lumabas na ang mga sintomas, ito ay 100% din na maaaring maiwasan sa pamamagitan ng tamang impormasyon at bakuna.
"Ang mahalaga ay mabigyan ng edukasyon at kaalaman ang lahat ng residente ng Saguiaran at iba pang munisipalidad ng Lanao del Sur sa tamang pag-aalaga ng hayop” ani Veterinarian IV Liza Ebuña. Pinapayuhan ang mga pet owners na pabakunahan ang kanilang mga aso at pusa simula sa edad na tatlong buwan, at sundan ito ng booster shot taon-taon.
Sa kasalukuyan, nakikipag-ugnayan ang PVO sa munisipalidad ng Saguiaran upang malibot ang lahat ng barangay sa Saguiaran. Sinimulan ang malawakang bakuna laban sa rabies sa Barangay Pagalamatan, kung saan tinatayang nasa 70 alagang hayop na ang nabigyan ng anti-rabies vaccine.

Target ng PVO na maabot ang iba pang mga komunidad sa mga susunod na mga buwan dahil sa napaulat na mga kaso ng kagat ng aso sa iba pang bayan ng Lanao del Sur. Mahalaga rin umano ang papel ng mga Barangay Local Government Units (BLGUs), mga opisyal, at health workers upang mas mapaalalahanan ang publiko at madala ang kanilang mga alaga sa mga itinakdang vaccination sites.
Bukod sa bakuna, isinusulong din ang responsible pet ownership sa pamamagitan ng kapon o pag-aalis ng testicles ng mga lalaking aso upang hindi na makapagparami at ligate o pagpapatali sa mga babaeng aso upang makontrol ang kanilang populasyon hanggang sa tumanda.
Dahil sa dumaraming bilang ng mga stray dogs sa mga barangay, iminumungkahi ng PVO ang pagtatayo ng isang dog impound facility sa Saguiaran. Sa ilalim ng planong ito, magsasagawa ng dog catching activity kung saan ang mga asong walang nagmamay-ari ay dadalhin sa pasilidad sa pamamagitan ng tama at ligtas na proseso.
Base sa datos, 98% ng mga insidente ng rabies ay nagmumula sa kagat ng aso, habang 2% naman ay mula sa kalmot ng pusa. Inaasahan ang paglalaan ng pondo para sa mga proyektong ito upang tuluyang masugpo ang kaso ng rabies at mapanatiling ligtas ang mamamayan ng Saguiaran.