![[2026] SKMarawi News Graphics (16)](https://sbangkamindanao.com/wp-content/uploads/2026/05/2026-SKMarawi-News-Graphics-16.png)
MARAWI CITY - Bunsod ng patuloy na pagtaas sa presyo ng liquefied petroleum gas (LPG) ngayong buwan ng Mayo 2026, marami sa mga lokal na konsyumer ng Marawi City ang napipilitang bumalik sa tradisyunal na paggamit ng kahoy bilang panggatong upang mapagkasya ang kani-kanilang pang-araw-araw na budget.
Kabilang sa mga nakararanas ng bigat ng pasanin si Zamanira Samua, isang stay-at-home na ina at residente ng lungsod. Ayon sa kaniya, hindi na sapat ang kita ng kanilang pamilya upang tustusan ang regular na pagbili ng gasul dahil sa sunod-sunod na oil price adjustments.
"Hindi na talaga kaya ng budget. Imbes na pambili ng bigas o ulam, napupunta lang sa mahal na gasul. Kaya kahit mahirap at mausok, bumalik muna kami sa kahoy," ani Zamanira.
Gayundin ang naging pahayag ni Jamalia Saumay, isang ina na nahaharap sa kaparehong suliranin dahil sa limitadong kita ng kaniyang asawa. "Nangunguha na lang kami ng kahoy kasi hindi na namin kaya ipambili ng gasul iyong natitirang pera sa kinikita ng asawa ko bilang tricycle driver at nasanay naman kami sa ganito," dagdag ni Saumay.
Batay sa pinakahuling ulat ng Department of Energy (DOE) Oil Monitor, ang patuloy na pagtaas ng presyo ng LPG sa bansa ay bunsod ng paggalaw ng international contract price ng Saudi Aramco, na siyang nagtatakda ng benchmark para sa rehiyon ng Asia, kaakibat ng mataas na demand at geopolitical tension sa Middle East na nakakaapekto sa pandaigdigang suplay.
Sa kasalukuyang monitoring ng DOE para sa buwan ng Mayo 2026, ang presyo ng bawat 11-kilogram na tangke ng LPG ay nagpapakita ng malaking agwat kumpara sa dating pangkalahatang presyo na naglalaro lamang sa ₱1,000 hanggang ₱1,200. Ang mga sumusunod na retail prices ay naitala batay sa umiiral na merkado at declaration ng mga kumpanya ng langis:
• Prycegas: ₱1,665.00
• Petron Gasul: ₱1,636.00
• Regasco: ₱1,600.00
• Fiesta Gas: ₱1,596.00
• Petron Gasul: ₱1,636.00
• Regasco: ₱1,600.00
• Fiesta Gas: ₱1,596.00
Simula noong pumasok ang ikalawang quarter ng taon, nagpatupad ang mga pangunahing kumpanya ng langis tulad ng Petron Corporation at Solane ng kabuuang dagdag-presyo na naglalaro sa ₱17.00 hanggang ₱20.00 kada kilo. Ang naturang adjustment ay katumbas ng karagdagang ₱187.00 hanggang ₱220.00 sa kabuuang presyo ng bawat 11-kilogram na tangke.
Kahit nagkaroon na rin ng bahagyang bawas-presyo ang independent manufacturer na Regasco ng ₱2.00 kada kilo noong unang linggo ng Mayo, ang retail prices ng 11-kilogram na tangke sa pangkalahatang merkado ay nananatiling mataas at naglalaro pa rin sa pagitan ng ₱1,200 hanggang lagpas ₱1,500 (umaabot sa higit ₱1,600 sa ibang leading brands tulad ng Prycegas at Petron).
Patuloy namang binabantayan ng DOE ang galaw ng presyo sa lokal na pamilihan upang matiyak ang pagsunod sa mga itinakdang pamantayan at maiwasan ang labis na paniningil ng mga mapagsamantalang retailer sa gitna ng nararanasang krisis ng mga mamimili.
Sources:
ABS-CBN News. (2026, May 4). Gasoline, diesel prices went up in the first week of May. https://www.abs-cbn.com/.../gasoline-diesel-prices-up-in...
ABS-CBN News. (2026, May 4). Gasoline, diesel prices went up in the first week of May. https://www.abs-cbn.com/.../gasoline-diesel-prices-up-in...
#SKMBantayPresyoUpdate
By: Normina D. Limbona, S'bang Ka Marawi Contributor